ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hinihinalang swindler sa Davao City, kinumpronta ni vice mayor Duterte sa presinto


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Galit na binisita umano ni Davao City Vice Mayor Rodrigo Duterte sa loob ng presinto ang isang lalaki na dinakip dahil sa alegasyon na paniningil ng renta sa mga informal settler sa lugar. Ayon sa ulat ni Tek Ocampo para sa 'Balita Pilipinas Ngayon' ng GMA News TV, sinabing dinakip ng mga awtoridad si Manolito Gavas dahil sa paniningil ng renta sa mga residenteng nagtayo ng bahay sa isang pribadong lote na hindi naman niya pag-aari. Lider umano ng isang grupo si Gavas at naninindigan na may karapatan siya sa mga pribadong lote dahil isa siyang beterano. Ngunit nagreklamo ang tunay na may-ari ng lote kaya ipinahuli si Gavas. Nang malaman ni Duterte ang insidente, pinuntahan nito sa presinto si Gavas na napag-alaman na hindi taga-Davao city. "Ito panloloko, falsification, estafa, resisting arrest, tapos formenting trouble, alarm and scandal," ayon sa bise alkalde na galit dahil sa panloloko umano sa mga tao. Naging kapansin-pansin din na may nginunguyang papel si Gavas nang bisitahin ni Duterte. Umaabot umano sa P250 ang kinukolekta ni Gavas sa 52 pamilya na nagtayo ng bahay sa lote kapalit ng ID at certificate na nagpapatunay na miyembro sila ng grupong kinabibilangan ni Gavas. Pinatunayan naman ni Talomo Police Chief Supt. Dionisio Abude, na iligal ang ginagawa ni Gavas dahil na rin sa mga nakalagay na 'No Tresspassing, Private Property,' sa loteng inaangkin nito. Samantala, inutos na ng lokal na pamahalaan na gibain ang mga bahay sa pribadong lote. Ang ibang naloko at nagtayo ng bahay sa lote, boluntaryong giniba ang kanilang mga bahay. – Mandy Fernandez/ FRJ, GMA News