ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Tiyansa na maipapasa ang RH bill sa Kamara, lumiliit na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inamin ng isang opisyal ng Kamara de Representantes na lumiliit na ang pag-asang maipapasa pa ang kontrobersyal na Reproductive Health (RH) bill dahil sa kakulangan ng panahon. “Medyo lumiliit na ang butas na pagdadaanan ng RH bill. Considering that realistically, hanggang December na lang kami,… medyo humihirap na ang panahon para maipasa siya sa House," paliwanag ni House Majority Leader Neptali Gonzales II sa isang press briefing nitong Martes. Ayon sa kongresista, hindi muna tatalakayin sa Kamara ang RH bill sa susunod na dalawang buwan dahil bibigyan prayoridad nila ang pagtalakay sa pambansang pondo para sa 2013. Muling magbubukas ang sesyon ng Kongreso sa darating na Lunes na sisimulan ng tradisyunal na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III. Sa kabila nito, nanawagan naman si Gabriela party-list Rep. Luzviminda Ialagan, awtor ng panukala, na huwag isuko ang pag-apruba sa RH bill. “We should let the legislative process run its course. Why should he [Gonzales] precondition the minds of Congress and the public that the bill will not be passed?" pahayag ni Ilagan sa text message. Noong nakaraang taon, isinalang sa plenary debates sa Kamara ang RH bill na sinasabing naging priority bill ni Aquino. Nakapaloob sa panukala ang paghikayat na gamitin ang kapwa natural at artificial na pamaraan ng family planning. Ngunit hindi naging madali ang deliberasyon sa panukalang batas bunga na rin ng matinding pagtutol dito ng Simbahang Katoliko dahil sa paniwalang paraan ito ng abortion. Noong nakaraang buwan, tinapos ng Senado ang mga debate sa kontrobersyal na panukala, at tuluyang napalapit sa pagpapasa sa ikalawang pagbasa. Caucus, test vote Sa isinagawang press briefing ni Gonzales, sinabi nito na hihilingin niya kay Speaker Feliciano Belmonte Jr. na magpatawag ng caucus sa lahat ng miyembro ng kapulungan upang desisyunan ang magiging kapalaran ng panukala. “Hindi naman puwedeng nagsimula iyan one year ago tapos up to this date, pinagdedebatehan pa rin… We owe it to the people na dumating kami sa puntong mapagbobotohan ito," ayon kay Gonzales. Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng isang test vote ay maaaring matukoy ng Kamara kung nakakahatak pa rin ng suporta ang RH bill sa mga mambabatas. “Kung walang quorum, that’s an indication na walang support, kaysa naman naglolokohan pa tayo at binibigyan ng false hopes ang mga tao," aniya. -- Mandy Fernandez/ FRJ, GMA News