ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

30 kalansay ng umano'y mga biktima NPA cleasing, nahukay sa Quezon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mahigit 30 kalansay ng mga tao, na pinaniniwalaan ng militar na pinatay umano ng New People's Army noong 1980s, ang nahukay mula sa isang mass grave sa Bondoc peninsula sa probinsya ng Quezon noong Linggo. Ayon kay Army spokesman Maj. Harold Cabunoc, dose-dosenang mga tao ang umano'y nawawala sa lugar noong 1980s, matapos na unang ipatupad ng NPA ang 'Oplan Missing Link,' isang operasyong naglalayong linisin ang rebolusyunaryong organisasyon sa tinatawag nilang "military spies," o ang "deep-penetration agents" (DPAs). Ayon sa ilang ulat, pinapatay umano ng NPA ang ilang mga kadre at gerilya sa bansa na pinaghinalaang DPA, sa ilalim ng kampanya ng militar na humati sa makakaliwang kilusan. Ayon kay Cabunoc, natagpuan ng isang magsasaka ang mga kalansay sa bayan ng San Fransisco sa Bondoc peninsula, na dating pinamumugaran ng mga NPA. Kwento ni Cabunoc, agad na ipinaalam ng magsasaka ang kanyang natuklasan sa mga opisyal ng baranggay, na agad namang nakipag-ugnayan sa militar at pulis. Hinukay ng mga tauhan ng 74th Infantry Battalion ng militar at mga pulis ang mga kalansay noong Linggo alas-8 ng umaga. Ang kampanya sa paglilinis ng NPA sa hanay nito ay tinawag na "Kampanyang Ahos," "Kadena de Amour," "Takip Silim," "Zombie," "Olympia," at iba pa. Noong 2006, ilang dosenang mga biktima ng "purging" ng NPA ang nahukay mula sa Inopacan, Leyte. Dahil dito, sinampahan na ng kaso sina Communist Party of the Philippines founder Jose Ma. Sison at dating communist leader at Bayan Muna party-list representative Satur Ocampo sa kanilang pag-utos umano sa mga pagpatay. Iginiit naman ni Lt. Col. Dennis Perez, hepe ng 74th Infantry Battalion ng Bondoc peninsula, sa leftist human rights group na Karapatan na tuligsain ang mga pagpatay ng NPA. Madalas na iniuugnay ng Karapatan ang militar sa ilang extra-judicial killings. Sa kabila nito, iginiit ni Karapatan spokesperson Tinay Palabay na dapat magsagawa muna ng imbestigasyon ang Armed Forces of the Philippines bago iugnay ang kahit anong sektor sa pagpatay. “These gimmicks of mass graves are already outdated. We fear na baka humantong na naman ito sa mga hindi makatarungang pag-aakusa at pag-aresto,” pahayag ni Palabay. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News