ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Gun ban ipinatutupad sa Davao City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ipatutupad ng Philippine National Police simula Agosto 1 (Miyerkules) hanggang Agosto 31 ang isang buwan na "gun ban" sa Davao City upang mahigpitan pa ang seguridad sa darating na Kadayawan Festival. Ang gun ban ay inaprubahan mismo ni PNP Director General Nicanor Bartolome. Pormal na bubuksan sa Biyernes ang ilang araw na Kadayawan Festival, na tinaguriang "King of all festivals" sa Davao City. Napag-alamang aabot sa 2,000 ang mga pulis at mga sundalo mula sa Philippine Army ang ipakakalat sa siyudad. Sa ulat ni Erning Arenas ng RGMA-Davao sa dzBB, inutusan ni Bartolome si Chief Superintendent Jaime Morente, Police Regional Office-11 Director, na ipatupad ang pag-suspinde sa lahat ng "permit to carry firearms outside of residence"  sa loob ng isang buwan. Sa update ng www.kadayawan.com, sinabing ang mga miyembro lamang ng PNP, Armed Forces of the Philippine (AFP) at iba pang mga sangay ng ibang law-enforcement agencies na naka-official duty at nakasuot ng uniporme ang papayagang magdala ng baril. Sinabi rin ni Senior Superintendent Ronald Dela Rosa, hepe ng Davao City Police Office (DCPO), na maliban sa 2,000 puwersa ng PNP at militar, may 70 na tauhan at 200 Scout Rangers mula sa Police Regional Office ang tutulong para sa seguridad sa mga aktibidad sa Kadayawan. Maliban pa ito sa civillian volunteers na tutulong para masiguro ang kaayusan sa festival na tatampukan Indak-Indak sa Kadalanan (street dance competition) at ng Floral Boat Parade, na inaasahang hahatak ng pinakamaraming turista at mga manonood. Ang salitang "Kadayawan" ay mula sa salitang "madayaw" ng tribung Mandaya ng Davao City para sa pagpa-abot ng isang mainit na pagbati sa mga bisita. — LBG, GMA News