Pinaghihinalaang 'salvage' victim natagpuan sa QC
Isang posibleng biktima ng "salvaging" o summary execution ang natagpuan ng mga residente Sabado ng gabi sa Diversion Road, barangay Unang Sigaw, Quezon City. Ayon sa report ni Rodil Vega ng dzBB, walang pagkakilanlan ang biktima dahil walang kahit anong identification card na nakuha mula sa kanya. Inilarawan sa report na isang malaking tao ang biktima at tadtad ng mga tattoo ang katawan nito. May pangalang "Alex" sa kanyang hita at "Archie" naman malapit sa kanyang pusod. Pangalang "Roger" naman ang naka-tattoo sa ilalim ng kanyang kili-kili at mga pangalang "Bobot" at "Jimboy" sa likod ng kanyang katawan. May palatandaan na sinakal ang biktima gamit ang lubid, ayon sa mga imbestigador. Posible umanong sa ibang lugar pinatay ang biktima at itinapon sa bahaging iyon ng Diversion Road. Ayon sa mga awtoridad, pangatlo na umano ang nakitang bangkay sa mga posibleng biktima ng salvaging na itinapon sa lugar. — LBG, GMA News