ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang residente sa Marikina at QC, sapilitang inilikas dahil sa matinding baha


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan sa ilang bahagi ng Metro Manila mula Lunes ng gabi hanggang Martes ng umaga,  mahigit 700 pamilya mula sa Brgy. Bagong Silangan sa lungsod ng Marikina ang sapilitang inilikas sa mga evacuation center.   May ilang mga residente naman mula sa Brgy. Kristong Hari sa Quezon City ang umakyat sa kani-kanilang mga bubong. Ayon sa ulat ni Ivan Mayrina para sa Unang Hirit ng GMA 7, umabot ng 763 pamilya ang nagsiksikan sa covered court ng Brgy. Bagong Silangan dahil sa utos na sapilitang paglikas mula sa kanilang lugar. Dahil sa matinding pagbaha na dulot ng ulan mula sa habagat, binuksan ng mga lokal na opisyal ang apat na silid-aralan sa Bagong Silangan Elementary School, simbahan at ang palengke upang gawing dagdag na evacuation center. Malapit ang nasabing barangay sa Marikina River, kung saan umabot ng 19.3 meters ang lebel ng tubig nitong 8:55 am. Ayon sa mga residente, "abot bewang" na umano ang baha sa kanilang lugar, at kasalakuyang nakalubog na ang tulay sa ginagamit nila. Dahil sa pagmamadali sa paglikas, hindi na nakadala ng kanilang mga kinakailangan ang mga residente. Kasalakuyan silang humihiling ng tulong upang makakuha ng pagkain, damit, at tulugan. Quezon City Samantala, nanawagan din ng tulong sa Unang Hirit ang mga residente ng Brgy. Kristong Hari. "Lubog po ang mga bahay!" sigaw ng isang residente, Marivic Buenafe, sa telebisyon. "Dito po kami, nasa taas." Ayon naman sa isa pang lalaki, minsan lamang umano bumuha sa lugar at ito umano ang "pinakamalala" na nilang karanasan. Nakatanggap naman ng hiwalay na ulat ang GMA News Online mula kay Anne Hermosa Siping, residente ng Barangay Dona Imelda sa Quezon City, kung saan sapilitan umanong naghanap ng lugar na mas mataas ang mga residente. Karamihan sa kanila ay nananatili sa kanilang mga bubong, kwento niya. Samantala, mahigit 30 katao na ang nananatili pa rin sa kanilang mga bubong dahil sa patuloy na pagtaas ng baha sa Roxas District, Quezon City, ayon sa ulat ng Unang Hirit. Sa kabila ng pagpayo ng mga lokal na awtoridad nitong Lunes ng gabi na lumikas na ang mga residenteng naninirahan sa mga mababang lugar, pinili pa rin ng ilang mga mamamayan na manatili sa kanilang mga bahay.  Humihingi na sila ng tulong ngayon. Hiniling naman ng ilang mga residente sa Meralco na patayin ang kuryente sa ilang lugar, partikular na sa Gumamela Street, kung saan lubog na ang mga bahay. Nasa ilalim na rin ng tubig ang tulay sa E. Rodriguez Avenue patungong St. Lukes Medical Center.  – Amanda T. Fernandez/YA, GMA News

Tags: floods, weather