Lacierda: Pribado, ilang pampublikong mga opisina may pasok na
May pasok na muli ang karamihan ng mga pampublikong tanggapan at sa mga pribadong sektor ngayong Miyerkules, matapos magdesisyon ang Office of the President na huwag magbigay ng direktiba tungkol sa pag-suspinde ng mga trabaho, ayon kay presidential spokesman Edwin Lacierda. Sa kabila nito, ayon kay Lacierda, masusunod pa rin ang mga deklarasyon ng ilang pambansang ahensya, tulad ng Commission on Audit, na magsususpinde ng trabaho ngayong Miyerkules. Dagdag pa niya, masusunod din ang deklarasyon ng mga lokal na pamahalaan tungkol sa pagsususpinde ng trabaho at klase sa kani-kanilang lugar. Iginiit din niya na dapat mananatiling naka-alerto at laging nakabantay sa mga anunsyo galing sa mga awtoridad tungkol sa lagay ng panahon. Ayon kay Lacierda, nakaranas ng "occasional intense rainfall" noong Martes, bandang alas-8 ng gabi hanggang Miyerkules, bandang ala-1 ng madaling araw ang Metro Manila at mga karatig-lalawigan nito. Ngunit, inaasahang hihina na ang mga pag-ulan ngayong araw ng Miyerkules, aniya. "Even as the situation remains of concern for so many citizens affected by the rain and flooding, it is imperative that we begin returning to normalcy as soon as possible," aniya. Dahil dito, ayon sa kanya, kinakailangan ng mga tauhan ng gobyerno na pumasok sa kani-kanilang opisina "to continue, and accelerate, efforts at rescue, relief, and rehabilitation." Kinakailangan na rin umanong manumbalik sa trabaho ng mga nasa pribadong sektor. "Goods and services must resume so as to speed up the repair of damaged infrastructure, the circulation of goods and supplies throughout the metropolitan area and other affected regions," aniya. Pinaalalahanan din ni Lacierda ang mga Pilipino na ilagay sa isip ang mga kapwa Pilipino na nangangailangan ng tulong at suporta. Nanawagan siya sa mga Pilipino na ipakita ang "empathy, sympathy, cooperation and 'can-do' attitude that have served us so well during this emergency." Samantala, nagdeklara na ang House of Representatives nitong Miyerkules na manunumbalik ang trabaho sa kanilang opisina, isang araw matapos masuspinde ang kanilang sesyon at trabaho dahil sa pagbaha dulot ng matinding pag-ulan nitong mga nakaraang araw. Sa kabila nito, inihayag ng Kamara sa kanilang website nitong Miyerkules ng umaga na mananatiling suspendido ang plenary session upang mabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro nito na magsagawa ng relief work sa kanilang nasasakupan. "Per declaration of the Hon. Speaker Feliciano R. Belmonte Jr., plenary session on Wednesday, August 8, 2012, is suspended to enable House Members to undertake coordinated relief work. However, Secretariat work (is) NOT suspended until notice to that effect is issued," ayon kay Lacierda. — Mandy Fernandez /LBG, GMA news