Survival fund ng bansa, iminungkahing itaas sa P10B
Nanawagan ang isang senador na dagdagan na gawing P10 bilyon ang pondong ilalaan ng Pilipinas sa problemang may kaugnayan sa pagbabago ng klima ng panahon. Ayon kay Sen Loren Legarda, pinuno ng Senate committee on climate change, hindi sapat ang P1 bilyon na pondo na nakapaloob sa People's Survival Fund sa ilalim ng Senate Bill 2811. Isang special trust fund ang People's Survival Fund na nagpapahintulot sa mga lokal na pamahalaan at komunidad na magsagawa ng climate-mitigation na pagsasanay upang mabawasan ang mga pinsala tuwing may kalamidad. "In our GAA... we have the funding, the P1 billion [but] in the wake of this LPA, [that is] not even a typhoon, the P1 billion is kulang. Gawin mong P10 billion [ang] survival fund," anang senador. Ayon naman kay Senate Majority Leader Vicente Sotto III, maaaring kunin ang ipangdadagdag sa pondo mula sa kontrobersyal na Reproductive Health. Pabirong iminungkahi ni Sotto na huwag nang gamitin ang P3 bilyong na nakalaan para ipambili ng condom sa ilalim ng RH bill. Tugon naman ni Legarda kay Sotto: "Susundin kita." Aminado naman si Senate President Juan Ponce Enrile na ito ang panahon na kailangan ang survival fund. Pinagtibay na ng Kongreso ang panukalang batas tungkol sa survival funds nitong Hunyo at hinihintay na lamang ang pirma ni Pangulong Benigno Aquino III para ganap na maging batas. "[Na]transmit na sa Malacanang...it should be signed into law," ani Legarda. -- Amanda Fernandez/FRJ, GMA News