ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

La Mesa Dam, hindi na umaapaw ngunit 'red' pa rin ang alert level


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Dahil sa patuloy na pagbuti ng panahon, tumigil na ang pag-apaw ng La Mesa Dam nitong Biyernes ng madaling araw, ngunit nananatili pa ring 'red' ang alert level sa lugar, ayon sa isang opisyal.
 
Sa isang text message na ipinadala sa GMA News Online, inihayag ni La Mesa head-works manager Engineer Teddy Angeles na bahagyang bumaba na sa 80.12 meters ang water level ng La Mesa Dam nitong 12:25 nang madaling araw. Ang lebel ng tubig sa dam ay kasalakuyang tatlong sentimetro nang mas mababa mula sa 80.15 meters na spilling level nito.
 
Ayon sa kanya, nananatili pa ring red ang alert level sa dam, ngunit umaasa sila sa patuloy na pagbuti ng panahon upang tuluyan nang bumaba ang lebel ng tubig.
 
"ZERO OVERFLOW. With good weather, we could further reduce elevation," aniya.
 
Iginiit naman niyang patuloy pa rin ang ipinataw nilang rekomendasyong forced evacuation para sa mga residenteng apektado sa pag-apaw.
 
"Recommendation for forced evacuation still in place until alert level is downgraded to yellow at 79.50 meters," aniya.
 
Ayon sa mga naunang ulat, sapilitang inilikas nitong linggo ang mga residenteng naninirahan sa mga barangay na malapit sa Tullahan River, na pinagdadaluyan ng tubig mula sa La Mesa Dam.
 
Sa bawat pag-apaw ng dam, tumataas ang lebel ng tubig sa Tullahan River, na nakakaapekto sa mga residente ng ilang barangay sa mga lungsod ng Quezon City, Valenzuela, Malabon and Navotas Cities, nauna nang inihayag ni Angeles. — ELR/KG, GMA News