Tito Sotto, naging emosyonal sa kanyang talumpating pagtutol sa RH Bill
Para kay Senate Majority Floor Leader Vicente Sotto III, nagiging personal na ang kanyang laban kontra sa kontrobersyal na reproductive health (RH) bill. "My wife Helen and I, nawalan po kami ng anak dahil sa contraceptives," ani Sotto sa kanyang talumpati sa Senado nitong Lunes. Ayon kay Sotto, hindi siya sang-ayon sa pagpapatupad ng RH bill, o Senate Bill No. 2865, sapagkat ang mga contraceptive umano ang itinuturo niyang dahilan sa pagkamatay ng kanyang anak. Kwento niya, nabuntis ang kanyang asawa noong 1974 sa kabila ng paggamit nila ng contraceptives. "She gave birth to my real first son whom we named Vincent Paul [on] March 13, 1975 at the Makati Medical Center," aniya. Ayon sa kanya, napanganak ang kanyang unang anak na may weak heart at madalas na nangangailangan ng blood transfusion. "I visited him every day. I went to the nursery every day. But before that I always go to the chapel, pray and pray for him and go visit him... [but] after five months he passed away," aniya. Dagdag niya, nitong Lunes ang anibersaryo sa pagpanaw ng kanyang anak, na pumanaw noong Agosto 13, 1975. Ayon kay Sotto, wala siyang makitang paliwanag sa naging malunos na kondisyon ng kanyang anak maliban sa kanilang paggamit ng contraceptives. "Wala sila [mga doktor] makita na dahilan kung bakit nagkaganun yung bata kundi dahil nagcocontraceptives yung asawa ko. Nabuntis pa rin kahit gumagamit ng contraceptives," aniya. "That's why kaya binanggit ko kanina Mr. President hindi trabaho ito sa akin, personalan to. Sabi ng Makati Medical Center namatay ang dahilan paggamit ng misis ko ng contraceptives. Even her doctor admits to that fact," dagdag niya. Inihalimbawa niya ang kanyang karanasan sa nangyari sa kanilang Senator Lito Lapid at Senator Pia Cayetano, na nawalan din ng mga anak. Isa sa mga sponsor ng RH bill sa Senado si Cayetano. "Nalulungkot po ako marinig sa kanila 'yun but the truth is parang nainggit pa nga ako, Mr. President, dahil mabuti pa nga sila nahawakan nila. Yung anak ko five months ni hindi ko nahipo, nahawakan ko patay na," aniya. Ayon sa kanya, hindi niya maintindihan ang rason sa pagpanaw ng kanyang anak. Ngayong lumabas ang RH bill, ginawa niyang misyon sa kanyang buhay na tutulan ang pagpapatupad ng panukalang ito. Ibang karanasan Matapos ang kanyang emosyonal na talumpati, napagdesisyunan ni Sotto na ipagpatuloy na lamang ang kanyang "Turno En Contra" sa ibang araw. Para naman sa kanyang bahagi, inihayag ni Cayetano na alam niya ang sakit na nararamdaman ni Sotto. "Anyone who lost a child deserves compassion. I approached Sen. Sotto because I know the pain of losing a child, it's nothing that anyone has not experienced can understand," kanyang inihayag sa media matapos ang talumpati ni Sotto. Sa kabila nito, iginiit niya na magkaiba ang kanilang karanasan. "I got pregnant but my son did have a chromosomal disorder and, maybe similar to his son, he also had a heart problem. In the 70s they did not have the capacity to diagnose it the way they did when my child was born in 2000," paliwanag niya. Ayon sa kanya, dahil dito, kinakailangang maging mandato ang maternal health care sa bansa. "This is the other side of a story that is true," aniya. Dagdag niya, nakadepende sa paraan ng paggamit ng contraceptive sa magiging negatibong epekto ito. - Amanda Fernandez/BM, GMA News