ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

‘Balik Probinsiya’ program, pinabubuhay


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Iminungkahi ng isang kongresista na buhayin at pag-ibayuhin ng pamahalaan ang programang “Balik Probinsiya" kaugnay na rin sa plano na alisin ang mga bahay na sagabal sa daloy ng tubig sa mga ilog at peligrosong lugar sa Metro Manila. “The government should revive the 'Balik Probinsya' program to encourage informal settlers in Metro Manila to move to their own provinces. Those informal settlers who will be affected by the clearing operations of waterways and easements should be given priority," pahayag ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone, chairman ng House committee on public information nitong Miyerkules. Nitong Martes, sinabi ni Public Works and Highways (DPWH) Sec. Rogelio Singson na binigyan siya ng direktiba ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na alisin ang mga bahay at instrukturang nakakasagabal sa pagdaloy ng tubig para maiwasan ang pagbaha. Tinatayang aabot sa 100,000 pamilya ang maaapektuhan sa gagawing pagpapaalis ng mga nakatira sa mga ilog, estero at iba pang daluyan ng tubig. Mungkahi ni Evardone, ang mga pamilyang boluntaryong uuwi sa kanilang lalawigan ay dapat bigyan ng pinansiyal na tulong gaya ng libreng pamasahe, puhunan para mapagnegosyo sa lalawigan, at ‘dislocation allowance’. Dagdag pa niya, maaaring magtulungan ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Trade and Industry (DTI) and the Department of Science and Technology (DOST) para sa isasagawang livelihood program sa mga nais bumalik sa probinsiya. Bukod sa Balik Probinsiya program, sinabi ni Evardone na makabubuting bigyan ng prayoridad sa programa ng gobyerno na murang pabahay ang mga pamilyang boluntaryong aalis sa mga ilog, estero at iba pa. Dagdag pa ng kongresista, makatutulong din para mahikayat ang mga informal settler na mailipat kung bibigyan ng scholarships ang mga batang nag-aaral at maisasama sila sa conditional cash transfer program ng gobyerno. - RP/FRJ, GMA News