Opisyal ng Liberal Party na nasawi sa helicopter crash noong 2010
Ilang araw matapos ang halalan noong May 2010, nasawi ang isang mataas na opisyal ng Liberal Party (LP) at matalik na kaibigan ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, nang bumagsak ang helicopter na kanyang sinasakyan sa lalawigan ng Quezon. Si Quezon Governor Rafael "Raffy" Nantes, nagsilbing national treasurer ng LP, ay pumanaw noong May 17, 2010, matapos bumagsak ang helicopter na kanyang sinasakyan sa Lucena City. Bago naging gobernador, tatlong termino na naging kongresista ng Quezon si Nantes, kung saan nakasabay niya si Aquino na noo’y kinatawan naman ng Tarlac. Bukod kay Nantes, limang iba pa ang nasawi sa naturang aksidente. Galing sa isang pagtitipon noon si Nantes at nagpaalam na sa kanyang mga tagasuporta makaraang mabigo na muli siyang mahalal bilang gobernador ng lalawigan sa katatapos na halalan. Batay sa mga lumabas na ulat, patungo sana sa Maynila si Nantes nang mangyari ang sakuna. Hindi pa umano nakalalayo ang sinakyan nitong helicopter nang bumagsak ito sa isang subdibisyon. Pumanaw si Nantes sa edad na 53. - FRJimenez, GMA News