ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

1 patay, 3 sugatan sa pag-atake ng BIFM fighters sa Mindanao


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang sibilyan ang nasawi at tatlong iba pa ang nasugatan sa pagsalakay umano ng Bangsamoro Islamic Freedom Movement (BIFM) fighters sa isang military detachment sa hangganan ng Pagalungan, Maguindanao at Pikit, North Cotabato nitong Huwebes. Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Anwar Langalen, residente ng Barangay Inug-og, Pikit. Tinamaan ng bala sa ulo ang biktima mula sa isang mataas na kalibre ng baril. Ayon kay Inspector Elias Dandan, hepe ng Pikit municipal police station, tumatawag sa telepono ang biktima nang barilin umano ito ng miyembro ng BIFM. Posible umanong inakala ng BIFM na tumatawag ang biktima para ipaalam sa militar ang kanilang pagdating sa lugar. Ang BIFM ay binubuo ng mga dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nakikipagnegosasyon ngayon sa pamahalaan para sa kapayapaan sa rehiyon. Nasugatan naman sa naturang pag-atake sina Pfc. Jose Morales, 29, ng 7th IB; CAFGU Rafael Palomar, 27; at Audie Servidad, nurse na nakatalaga sa Cruzado Clinic sa Poblacion, Pikit. Ayon kay 7th Infantry Battalion commander Lt. Col. Benjamin Hao, tumagal ang putukan ng halos isang oras bago tumakas ang mga rebelde. Kasabay nito, sinabi ni Hao na binarikadahan ng mga sundalo ang mga kalapit na highway dakong 2 a.m. hanggang 3 a.m., para ma-secure ang lugar sa posibleng pag-atake pa ng BIFM. Una rito, may namataan umanong tinatayang 400 BIFM rebels sa hangganan ng Maguindanao at North Cotabato. Naghiwa-hiwalay umano sa maliit na grupo ang mga rebelde. Tinatayang nasa 15 BIFM fighters ang sumalakay sa military detachment sa hangganan ng Pagalungan at Pikit. Samantala, isang bata rin ang nasawi nang tamaan ng ligaw na bala sa Maguindanao nang sumalakay ang BIFM. Kuwento ng ama ng bata na nasugatan din sa pag-atake, nasa evacuation center sila ng kanyang anak nang tamaan ng ligaw na bala. Kinondena ng lokal na pamahalaan ang pagkakadamay ng mga sibilyan sa sagupaan. — FRJ, GMA News