Agosto rin nang masawi ang DILG Secretary ni Cory Aquino
Alam niyo na na 25 taon na ang nakararaan nang ma-ambush at mapatay sa buwan din ng Agosto ang itinalagang Interior and Local Government secretary ni dating Pangulong Cory Aquino noong 1987. Agosto 18, 2012 nang bumagsak sa karagatan ng Masbate ang eroplanong sinakyan, at naging dahilan ng pagkamatay ni DILG Sec. Jesse Robredo, ang itinalagang kalihim ni Pangulong Benigno âNoynoy" Aquino III sa naturang kagawaran. Pero dalawampuât limang taon na ang nakararaan nang mamamatayan din ng DILG secretary ang ina ni PNoy na si Cory nang ma-ambush noong Agosto 2, 1987 ang itinalagang niyang pinuno ng DILG na si Jaime N. Ferrer. Nang maupo si Cory bilang pangulo ng bansa matapos ang mapayapang EDSA 1 People Power revolution noong 1986, pansamantala niyang hinirang na DILG secretary si Aquilino Pimentel Jr. Pero tumagal lang si Pimentel sa naturang posisyon ng 10 buwan at ipinalit si Ferrer pagsapit ng Disyembre 1986 hanggang sa barilin siya at mapatay ng mga salarin malapit sa kanyang bahay sa Paranaque noong Agosto 1987. Bukod kay Ferrer, nasawi rin sa ambush ang kanyang drayber na si Jesus Calderon. Sa kabila ng mga natatanggap na pagbabanta sa buhay, tumanggi umano si Ferrer na magkaroon ng mga bodyguard. Iniutos noon ni Cory na ilagay sa haft-mast ang mga bandila sa buong bansa bilang pagluluksa sa unang miyembro ng kanyang Gabinete na pumanaw nang panahon iyon. Bago naging kalihim ng DILG, nagsilbi rin si Ferrer bilang kongresista ng Parañaque-Las Piñas district, chairman ng Commission on Elections (COMELEC), at presidential executive assistant at undersecretary ng Agriculture and Natural Resources. - FRJimenez, GMA News