Mga pagyanig muling naramdaman sa Eastern Samar
Muling nabalot sa takot ang mga residente ng Guiwan, Esatern Samar, nang muli iton makaranas ng mga pagyanig madaling araw nitong Sabado. Sa report ni Glenn Juego sa dzBB, naitala ng Phivolcs ang unang pagyanig ay umabot sa magnitude 4.9 na nangyari dakong 1:10 ng madaling araw. Nasundan ito ng magnitude 4.5 dakong 5:11 ng madaling araw. Natunton ng Phivolcs ang epicenter ng lindol sa may siyam na kilometro sa timog-silangan ng bayan ng Guiwan. Ang mga sunud-sunod na mga pagyanig na naramdaman sa lugar ay kasama pa rin sa tinatawag na “aftershock” ng magnitude-7.6 na lindol na tumama sa lugar noong nakaraang Linggo. Wala namang naiulat na casualty o mga nasirang ariarian sa nasabing dalawang magkasunod na pagyanig nitong Sabado. Matatandaang umabot hanggang sa Mindanao at Visayas ang epekto ng lindol sa Eastern Samar. Dalawa ang naitalang namatay. Patay ang isang matandang bababe sa Cagayan de Oro City ng matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay. Sa Barobo, Surigao del Sur, namatay din ang isang lola dahil sa nerbiyos sa kasagsagan ng lindol. — LBG, GMA News