Witness protection hiniling para sa inabusong kasambahay
Hiniling ng mga abugado ng kasambahay na inabuso ng kanyang mag-asawang amo na mapabilang ang kanilang kliyente sa Witness Protection Program ng pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan nito. Naghain na ng aplikasyon ang Public Attorney's Office sa Department of Justice (DOJ) para kay Bonita Baran, ayon sa ulat ni Allan Gatus sa radio dzBB nitong Martes. Ayon sa ulat, iginiit ng PAO na kailangan ni Baran ng proteksyon ngayong lumitaw na ang mga akusado at matutuloy na ang kasong inihain laban sa mga ito. Bago magtanghali nitong Lunes, sumuko ang mag-asawang nagmaltrato umano kay Baran sa National Bureau of Investigation (NBI) sa Maynila. Kinilala ang dalawa na sina Reynold at Analiza Marzan, na ngayon ay nasa kustodiya na ng Senado na nagsasagawa ng imbestigasyon sa nasabing pang-aabuso ng mag-asawa. Matatandaang si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada mismo ang humiling na arestuhin ang mag-asawa dahil sa pagmamaltrato umano nila kay Baran. Sumuko ang mag-asawang Marzan isang linggo matapos imungkahi ni Vice President Jejomar Binay na maglagay ng pabuya para sa ikaaaresto nila. Ilan sa pagmamaltratong dinanas umano ni Baran sa kamay ng mag-asawa ay ang ilang beses na pagpalo gamit ang plato, plorera at walis, at pag-plantsa sa kanyang mukha na nakaapekto raw sa kanyang paningin. Kabilang sa mga kasong inihain sa mag-asawa ay seven counts ng serious physical injuries, two counts ng attempted homicide, at serious illegal detention. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News