ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Buhos ng tubig sa gripo, sinamantala ng 4 na bilanggo para nakapuga


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Apat na bilanggo sa police station ng San Carlos, Pangasinan ang nakatakas matapos nilang lagariin ang rehas na bakal na isinasabay umano sa malakas na buhos ng tubig sa gripo. Sa ulat ni GMA-Dagupan reporter CJ Torrida sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinasabing binubuksan ng mga bilanggo ang gripo ng tubig kapag nilalagare ang rehas upang hindi madinig ng mga bantay ang ingay. Nitong Lunes, nagtagumpay ang mga bilanggo na sina John Rafael Dela Pena, Harold Flores, Ferdinand Sarmiento, at Jolly Tuates na makalabas ng kulungan. Si Flores ay nahaharap sa kasong illegal drugs, habang sangkot naman sa kasong pagnanakaw ang tatlo. Ayon sa isang bilanggo, may anim na araw na nilagare ng apat ang rehas. Hindi umano siya makapagsumbong dahil sa takot bunga ng ginagawang pananakit sa kanya. Inalis na sa puwesto ang desk officer ng police station na si PO2 Edna Salangad. Posibleng maharap naman sa asunto ang ina ng isa sa mga nakatakas na sinasabing nagdala ng lagare sa loob ng presinto. Patuloy na tinutugis ang mga bilanggo. Sa isang pagdinig na ginawa sa Senado, inihayag ng mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na tinatayang nasa 60 hanggang 70 bilanggo ang nakakatakas sa mga piitan sa bansa bawat taon. – FRJ, GMA News