Planong pagpapadala ng China ng mga turista sa Spratlys, magdudulot ng problema -- DND
Magdudulot umano ng malaking problema ang plano ng China na magpadala ng mga turista sa Spratlys, ayon sa opisyal ng Department of National Defense (DND) nitong Martes. "Magiging security concern 'yan kasi kapag pumasok 'yan sa territory natin, malaking problema," ani Defense Secretary Voltaire Gazmin sa isang briefing. Pinaniniwalaang mayaman sa langis at mineral deposit ang Spratly Islands, o ang magkakatabing mga isla at islets sa West Philippine Sea (South China Sea). Ang mga isla ay inaangkin ng China, Taiwan, Brunei, Malaysia, Vietnam at Pilipinas. Ang pahayag ay ginawa ni Gazmin matapos lumabas ang balitang plano ng China na isama ang dalawang isla sa Spratlys sa kanilang cruise route bilang bahagi ng kanilang 10-taong tourism plan. Ayon sa pinuno ng DND, nakausap na nila ang defense minister ng China tungkol sa kanilang tourism plan. "Ang napag-usapan namin ay huwag gagawa ng aksyon para hindi lumaki yung gulo at let us keep our lines open for communication...we agreed on that," aniya. "Tuloy ang usapan para sa ganun ay maayos natin ang problema sa mahinahong paraan," dagdag ni Gazmin. Samantala, tumanggi namang magbigay ng pahayag si Gazmin sa mungkahi ng mambabatas na gawing bahagi ng tourist destination ng Pilipinas ang isla sa Spratlys na inaangkin ng bansa. "Ang protocol sa atin tungkol sa mga ganyan, DFA muna ang sasagot," aniya. Sa budget hearing sa House of Representatives nitong Martes, iminungkahi ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa Department of Tourism na isama sa turismo ng Pilipinas ang Spratlys. “Let’s take a slice of the DOT budget to put up a good airport and build a good port. Put up a hotel, and develop our frontier in our area as a tourist destination. The seas there are very pristine," ayon sa mambabatas. Ayon naman kay Tourism Secretary Ramon Jimenez, hihintayin muna niya ang pahayag ni Pangulong Benigno Aquino III tungkol sa naturang mungkahi ng kongresista. -- Mandy Fernandez/FRJ, GMA News