Enrile, hindi kumbinsido na nakakatulong sa kahirapan ang CCT program
Hindi kumbinsido si Senate President Juan Ponce Enrile sa paniwala ng Malacañang na epektibong panlaban sa kahirapan ang Conditional Cash Transfer (CCT) program, na tinatawag ding Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Sa ulat ng DZBB radio, sinabi ni Enrile na tinuturuan ng CCT program ang mahihirap na pamilya na maging tamad dahil mistulang pinapaasa na lamang sila sa buwanang perang ibinibigay ng gobyerno. Idinagdag pa ng Senador na maraming pamilya sa kanayunan ang hindi na nagbubungkal ng lupa, o hindi na nangingisda dahil nasasanay sa grasyang nagmumula sa CCT program. Sa ilalim ng programang pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), tinatayang P1,400 kada buwan ang ibinibigay sa mahihirap na pamilya sa kondisyon na mayroon silang regular check-up sa mga government health center, at papapasukin ang mga bata sa eskuwelahan. Puna ni Enrile, hindi kasama sa kondisyon ng programa ang pagbabanat ng buto ng mga taong nakikinabang sa pinansiyal na tulong na ibinibigay ng gobyerno. Paliwanag ng mambabatas, hindi siya tutol na gastusan ng gobyerno ang mga mahihirap dahil alam umano niya kung paano maging mahirap. Pero sa halip na limos ang ibigay ng gobyerno, dapat daw ay trabaho at mga pagsasanay para magkaroon sila ng hanapbuhay. Batay sa disensiyo ng DSWD, tatagal ang programa ng hanggang limang taon. Pero paniwala ni Enrile, ngayon pa lamang ay marami na ang aasa na magpatuloy ang CCT program. Hindi umano malayong mag-lobby ang mga non government organizations (NGOs) at mga pulitiko na ipagpatuloy ang nasabing programa. Sinabi ng pangulo ng Senado na hihimayin nila ng husto sa plenaryo ang programa na nais ng pamahalaan na pondohan ng P44.3 bilyon sa 2013. - MM/FRJ/KG, GMA News