Robredo, ginawaran ng posthumous award ng Napolcom
Ginawaran ng National Police Commission (Napolcom) ng posthumous award nitong Miyerkules ang dati nilang pinuno na si yumaong Interior and Local Secretary Jesse Robredo. Sa ulat ni Claire Delfin para sa 'Balitanghali' ng GMA News TV, sinabing dumiretso ang mag-inang Atty. Maria Leanor 'Leni' Robredo at Jillian sa tanggapan ng Napolcom sa Makati City mula sa Naga City upang tanggapin ang posthumous plaque of distinction na iginawad sa yumaong kalihim. Dagdag nito, isinabay ang paggawad kay Robredo sa pagdiriwang ng ika-46 anibersaryo ng Napolcom. Pinangunahan nina Napolcom Vice Chair Eduardo Escueta at Philippine National Police (PNP) Chief Dir. Nicanor ang pag-aabot ng plake sa mag-inang Robredo. Bilang kalihim ng DILG, pinamumunuan din ni Robredo ang Napolcom. 'Gawing inspirasyon' Sa kanyang acceptance speech, nagpasalamat si Atty. Leni sa parangal na inihandog sa yumao niyang asawa. Ayon sa kanya, dapat umanong gawing inspirasyon ang mga nagawa ni Robredo. "Yung aming wish na lang sa lahat, sa inyo, sana gawin din nating inspirasyon ang kanyang sinimulan. Gaya ng paggawa naming mga mag-aanak, para lang po masulong lang sana ang kanyang mga nasimulan at mapagpatuloy ang kanyang mga paniniwala. 'Yon lang po," pahayag ni Atty. Leni. Ayon sa ulat, nanatiling nakangiti at maaliwalas ang itsura ni Atty. Leni sa kabuuan ng seremonya. Nagbiro rin siya sa kanyang talumpati tungkol sa pagiging sobrang kuripot umano ng kanyang asawa at hindi mahilig sa materyal na bagay. Iginiit niya na ang pagpapahalaga ni Robredo sa pera ng pamilya ay pareho sa pagpapahalaga nito sa pera ng gobyerno. "Simple Jesse" Sa bahagi ng seremonya, inihandog ng ilang empleyado ng Napolcom ang kantang 'Simply Jesse' para sa kanilang yumaong pinuno. Ilan sa mga kawani ay nakasuot ng t-shirt na may katagang nakasulat na iniwan sa kanila ni Robredo: "Gaya ng dapat na namumuno, mahusay at matino." Mayroon ding ipinalabas na audio visual presentation kung saan natunghayan ang mga litratong kasama si Robredo. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News