ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Miriam Santiago walang balak na pabalikin si Puno sa Senado


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Walang balak si Senador Miriam Defensor-Santiago na pabalikin pa si dating Department of Interior and Local Government Undersecretary Rico Puno sa public hearing ng pinamumunuan niyang komite ng constitutional ammendments and revision of laws. Sa ulat ni Nimfa Ravelo sa dzBB, sinabi ni Santiago na huli na ang public hearing noong Biyernes dahil alam niya umano na hindi na babaguhin pa ni Puno ang mga naunang nasabi kapag muli niya itong ipatatawag. Sa pagdinig sa Senado noong Biyernes, hindi nasiyahan si Santiago sa mga sagot ni Puno ukol sa pagkadawit nito sa jueteng at sa umano'y overpriced na kontrata sa pagbili ng mga baril ng Philippine National Police (PNP). Itinanong din ni Santaigo ang tungkol sa umano'y tangka ni Puno na pasukin ang condominium unit ni yumaong DILG Secretary Jesse Robredo sa Quezon City, matapos makumpima na namatay nga ang kalihim sa plane crash noong Aug. 18. Sa kabuuan ng pagdinig, naging kalmado si Puno at pinabulaanan niya ang lahat ng mga akusasyon laban sa kanya. Matapos ang pagdinig, sinabi naman ni Santiago na kanyang pag-aaralan kung dapat bang amyendahan ang administrative code ng DILG Act upang gawing malinaw ang kapangyarihan ng DILG Undersecretaries, dahil kakaiba umano ang nahawakan ni Puno na mga responsibilidad. Wala namaang balak si Santigao na mag-rekomenda ng anumang kaso laban kay Puno dahil segurado anya na hindi naman ito papansinin ng mga kapwa niya senador, at lalo na ng Malacañang na siya anyang nagkakanlong kay Puno. Karamihan sa mga senador na miyembro ng komite ni Santiago, hindi dumalo sa pagdinig noong Biyernes. Sina Senador Allan Peter Cayetano at Aquilino "Koko" Pimentel lamang ang dumalo. — LBG, GMA News