ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Secretary Alcala: Mga sakahan sa Bohol apektado ng El Niño


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Habang inuulan at sinalanta ng mga pagbaha ang maraming bahagi ng Pilipinas, kabaliktaran naman ang dinaranas ng probinsya ng Bohol sa Central Visayas, na ngayon ay dumaranas ng matinding tagtuyot. Ayon sa ulat ng dzBB, apektado na ang mga sakahan ng matinding init na dala ng El Niño phenomenon sa probinsya. Sa panayam sa dzBB nitong Sabado, sinabi ni Department of Agriculture Secretary Proceso Alcala na tatlong linggo nang hindi umulan sa Bohol. Ayon sa kalihim, tumawag na sa kanya si Bohol Governor Edgar Chatto at humihingi ng tulong para sa mga magsasaka. Sinabi ni Alcala na nagsagawa na ang DA ng cloud seeding operation sa Bohol, mga ilang araw na ang nakararaan. "Umulan naman po on the same day," sabi pa ni Alcala. Sinabi rin niyang nagpadala na siya ng mga water pump sa Bohol para magamit sa pag-kuha ng tubig mula sa mga ilog para sa mga natutuyong sakahan. Samantala, hinimok naman ni Alcala ang mga livestock raiser na makipag-ugnayan sa kanyang ahensiya para matulungan sila sa gitna ng pagtaas ng presyo ng soya na panghalo sa pagkain ng mga hayop. Ayon sa kanya, nakatakda siyang makipagpulong sa mga livestock raiser pag-uwi niya matapos ang kanyang biyahe sa Cuba. Iminumungkahi ni Alcala na mismong ang mga livestock raiser na ang gumawa ng soya para hindi sila maapektuhan sa patuloy na pagtaas ng presyo merkado. — LBG, GMA News