Kaso ng leptospirosis sa Pangasinan bumababa
Bumababa ang bilang ng mga kaso ng leptospirosis sa lalawigan ng Pangasinan at wala nang naitalang bagong kaso ngayong ikalawang linggo ng Setyembre, lalo na sa Lingayen. Inihayag kay Dr. Ana de Guzman, Provincial Health Officer (PHO) ng Pangasinan, nakapagtala ang kanyang tanggapan ng 74 na kaso mula Enero 1 hanggang unang linggo ng Setyembre, ayon sa report ni Mao de la Cruz sa dzBB. Mas mataas ang nasabing bilang kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon. Umabot sa 54 sa 74 na mga kaso ang naitala noong buwan ng Agosto, o sa kasagsagan ng habagat at pag-uulan ngayong taon. Ayon kay De Guzman, 18 ang namatay dahil sa leptospirosis sa taong ito kumpara sa anim noong 2011. Base sa statistics ng Pangasinan PHO, ang Dagupan City ang nakapagtala ng pinakamaraming namatay, sinundan ng Binmaley, Asingan, Pani, Urbiztundo, Urdaneta City, Lingayen at San Fabian. — LBG, GMA News