Palasyo, umaasang ‘di aalisin sa bansa ni Pangilinan ang kanyang mga negosyo
Umaasa ang Malacañang na hindi itutuloy ng negosyanteng si Manuel Pangilinan ang napaulat na plano nito na ilipat ng ibang bansa ang kanyang mga negosyo matapos makaladkad ang kanyang pangalan sa kontrobersiyal na "backchannel" negotiation sa China ni Sen. Antonio Trillanes IV. “We certainly hope this will not be the case, these things sort themselves out (in due) time," pahayag ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado. Ilan sa mga negosyo ni Pangilinan sa bansa ay Philippine Long Distance and Telephone Co. (PLDT) at mga subsidiary na Smart Communications at Manila Electric Co. (Meralco). Nitong Biyernes, napaulat na tumiwalag na si Pangilinan sa Ateneo de Manila University dahil sa magkaibang paninindigan nila sa usapin ng pagmimina at Reproductive Health bill. (Basahin: MVP withdraws support for Ateneo after disagreements over mining and RH) Sa naging bangayan noong Miyerkules nina Senate President Juan Ponce Enrile at Sen. Trillanes, nabanggit ang pangalan ni Pangilinan tungkol sa umano’y backchannel negotiation sa China. (Basahin: Philex rep denies Trillanes claim that Del Rosario favored MVP in West PHL Sea issue) “Perhaps these things will sort themselves out in due time. We also understand kasi biglang nasali (sa kontrobersiya). There are so many names being mentioned," ayon kay Valte. Nitong Biyernes, umapela rin si House majority leader Neptali Gonzales II kay Pangilinan na irekonsidera ang plano na ilipat sa ibang bansa ang operasyon ng kanyang mga negosyo. Sa isang artikulong lumabas sa Philippine Star, binanggit umani Pangilinan ang katagang: “Kung ako lang I’d go back to Hong Kong... ang gulo-gulo niyo." (Basahin: Back channels of diplomacy: Trillanes, MVP, US talk to China for PHL)— FRJ, GMA News