Palasyo: Underpass sa Quezon Ave at Araneta Ave, bubuksan na sa darating na Biyernes
Matapos ang ilang buwang pagtitiis sa matinding trapiko sa Quezon Avenue at Araneta Avenue sa Quezon City, makararanas na ng ginhawa ang mga motorista sapagkat nakatakda nang buksan sa darating na Biyernes ang ginagawang underpass. Inihayag ng Malacañang nitong Linggo na itinakda ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagbubukas ng underpass sa trapiko sa darating na Setyembre 28. “Makikita ng mga motorista na tapos na ang proyekto, ang target date sa aking pagkakaalam ay end of September," ani deputy presidential spokesperson Abigail Valte sa government-run dzRB radio. Ayon sa kanya, hindi pa niya matutukoy kung dadalo si Pangulong Benigno Aquino III sa pagbubukas ng underpass. Ayon kay Valte, sinimulan ng DPWH ang pagtatrabaho sa underpass noong unang bahagi ng taon at nakatakdang matapos ngayong Setyembre. “[Itinanong] natin ang date ng pagbubukas. Ang sabi ng DPWH, September 28," aniya. — Amanda Fernandez/BM, GMA News