ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Paghahain ng COCs, matutuloy sa susunod na linggo — Comelec


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Matutuloy ang nakatakdang paghahain ng certificates of candidacy sa susunod na linggo, ito ang pahayag ng pinuno ng Commission on Elections nitong Miyerkules. Sa panayam ng GMA News Online, inihayag ni Elections chair Sixto Brillantes Jr. na kanyang binalewala ang kahilingan ni election lawyer Romulo Macalintal na iusod ang filing period sa Nobyembre 15 hanggang 20 mula sa naunang itinakdang Oktubre 1-5 na iskedyul. “We sent the resolution (on the date of filing of COCs) five months ago. Nobody was asking for an extension. Ngayon malapit na ang filing (magre-request si Macalintal) ng extension,” ani Brillantes. “If we extend for another two weeks, we could lose another two weeks in settling disqualification cases, nuisance candidates, among others," dagdag pa niya. Ayon sa Comelec, kasalakuyang mayroong 18,022 elective posts na maaaring takbuhan sa darating na Mayo 2013 eleksyon, kabilang ang 12 na senador at 229 district representatives. Samantala, 172 ang panibagong partidong makikilahok sa midterm polls, habang mayroon nang 113 grupo na nakapanalo ng kandidato noong 2010 eleksyon. 'Nuisance candidates' Ayon kay Brillantes, nais ng Comelec na magkaroon ng mas maagang filing period upang maiwasan ang naganap noong 2010 kung kailan napasama ang mga pangalan ng mga "nuisance" o diskuwalipikadong mga kandidato sa balota. Ayon sa kanya, halimbawa nito ang kaso ni presidential bet Vetellano Acosta ng Kilusang Bagong Lipunan, na idineklarang "nuisance" na kandidato noong 2010 eleksyon. Sa kabila nito, napasama pa rin ang pangalan ni Acosta sa balota, ani Brillantes. Dagdag niya, [I don't understand] "why Macalintal keeps on saying we should extend the filing of COCs." "He is an election lawyer... Meron ba siyang personal reasons? Wala man lang nagko-question, si Macalintal lang," ani Brillantes. "Is he representing any political party? Why are the political parties not asking (for an extension)? Bakit siya lang?" Kasalakuyan pang sinusubukan ng GMA News Online na makuhanan ng komento si Macalintal. 'Dummies' Hiniling ni Macalintal sa Comelec na ilipat ang filing period ng certificates of candidacy para sa Mayo 2013 eleksyon upang maiwasan umano ang paggamit ng mga nahirang na opisyal ng "dummies" sa ihahaing COCs. Ayon kay Macalintal, sa Disyembre 21 pa ang deadline para sa substitution, kung saan maaaring palitan ng mga opisyal ang mga dummy nilang mga kandidato. Ayon sa kanya, maaaring i-extend ng Comelec ang paghahain ng COCs kahit sa automated elections sapagkat noong Mayo 2010 polls, itinakda ang pag-file ng COCs noong Nobyembre 20 hanggang 30. Dagdag niya, kapag mabigyan ng extension, magkakaroon ng dagdag na oras ang mga kandidato na iresolba ang kanilang voter's registration, na kinakailangan sa paghahain ng COC. Maliban nito, mabibigyan din nito ng mas mahabang panahon ang Comelec upang magdesisyon sa mga nakabiting registration ng ilang politikal na partido, ayon kay Macalintal. — Mandy Fernandez /LBG, GMA news