103 katao nagkasakit ng diarrhea sa ComVal
Umabot na sa 103 katao ang nagkasakit ng diarrhea sa loob ng isang linggo sa isang barangay sa probinsiya ng Compostela Valley dahil umano sa kontaminadong tubig sa lugar. Ayon kay Compostela Valley Provincial Health Officer Dr Renato Basanes, 61 sa mga nagkakasakit ay dinala sa Compostela Valley Provincial Hospital sa bayan ng Laak, habang 42 naman ang ginagamot sa Barangay Health Center ng Aguinaldo. Sa text message ni Governor Arturo Uy sa GMA News Online nitong Miyerkules, sinabi niya na "OK na" ang mga ginagamot na mga residente sa Barangay Aguinaldo. Ayon sa gobernador, ang tubig na inimon ng mga residente ang nakitang dahilan sa halos saba-sabay na pagkakasakit ng diarrhea ng mga taga-roon. Ayon naman kay Basanes, karamihan ng mga nagkakasakit ay yung mga kumukuha ng tubig mula sa isang jetmatic pump kung saang doon na rin umano naglalaba sa paligid ng pump ang mga residente. Maliban sa diarrhea, sinabi ni Basanes na tinitignan din nila ngayon na posibleng tinamaan din ng cholera ang ibang mga residente. — LBG, GMA News