Kargador, taxi driver, kabilang sa makakalaban ni Rodrigo Duterte sa mayoralty race sa Davao City
Muling tatakbong alkalde ng Davao City sa May 2013 elections si Rodrigo Duterte, ang kasalukuyang bise alkalde ng lungsod. Kapag nanalo, papalitan ni Duterte sa puwesto ang kanyang anak na si incumbent Mayor Sara Duterte, na kasalukuyan umanong buntis at planong bumalik na lamang sa law practice. Makakatambal ni Duterte bilang bise alkalde ang isa pa niyang anak na si Paolo, kasalukuyang chairman ng barangay Catalunan Grande. Sa Balita Pilipinas Ngayon, sinabing ang mga abogado lamang ng mga Duterte ang naghain ng kanilang certificate of candidacy (COC) nitong Biyernes sa Commission on Elections (Comelec). Makakalaban ng nakatatandang Duterte sa pagka-alkalde ang mga âdi kilalang pangalan tulad nina Magdaleno Marcellones Jr., Rolly Solis, Teodoro Mantilla at Rodrigo Sulamin Si Marcellones ay isa umanong kargador, habang taxi driver naman si Solis, at mechanical engineer si Mantilla. Nauna nang naghain ng kanyang COC si dating vice mayor Luis Bonguyan na makakalaban sa pagkakongresista ni incumbent Davao City 1st District Rep. Karlo Nograles, anak ni dating House Speaker Prospero Nograles. - FRJ, GMA News