Gazmin: Mga sundalo mananatili pa rin sa ARMM
Mananatili pa rin sa mga probinsiya na sakop ng Autonomous Region in Muslim Mindanao ang mga sundalong nakatalaga doon kahit nagkasundo na ang pamahalaan at ang Moro Islamic Liberation Front ukol sa pagtatag ng Bangsamoro Juridical Entity na ipapalit sa kasalukuyang ARMM. Sa ulat ni Tuesday Niu sa dzBB nitong Huwebes, sinabi ni Department of National Defense Secretary Volatire Gazmin na hindi basta-basta aalis ang mga sundalo sa ARMM, dahil kailangan pa ring bantayan ang mga residente sa lugar. Nilinaw din ni Gazmin na mahaba-haba pa ang proseso sa nabuong "framework agreement" at magkakaroon pa rin ng transition period. Ayon sa opisyal, dahan-dahan lamang umano ang paglilipat ng responsibilidad ng Armed Forces of the Philippines patungo sa kamay ng Philippine National Police. Sa ngayon, ayon kay Gazmin, mananatili sa mga probinsiya ng Basilan, Lanao del Sur, Lanao del Norte, Maguindanao, Sulu, at Tawi-Tawi ang mga kasalukuyang kampo ng militar. Matatandaang matapos ang 32 serye ng mga pag-uusap, nagkasundo rin ang peace panels ng pamahalaan at ng MILF para sa isang balangkas kung papaano tuldukan ang kaguluhan sa Mindanao. Sa darating na Oktobre 15, lalagdaan ang kasunduan para sa kapayapaan na gagawin sa Malacañang, kung saan sa unang pagkakataon ay papasok sa Palasyo ang mga lider ng MILF. — LBG, GMA News