Onsehan sa droga, hinihinalang ugat ng pagpaslang sa lalaki sa Davao del Norte
Isang lalaki ang nakitang may laslas sa leeg at wala ng buhay sa loob ng banyo ng isang lodging house sa Tagum City, Davao del Norte. Sa ulat ni GMA-Davao reporter Rose Bernales sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, sinabing nag-check-in sa lodging house ang biktima kasama ang isa pang lalaki noong Miyerkules. Umaga nitong Huwebes nang makita ang bangkay ng biktima sa loob ng banyo na duguan. Limang sachet na may laman na pinaniniwalang shabu at drug paraphernalia ang nakita sa kuwarto. Ayon sa isang empleyado ng lodging house, narinig niya na hatian umano sa kita ng ginto ang laging pinag-uusapan ng dalawa. Pero paniwala ng pulisya, posibleng nagkaroon ng hindi pagkaka-intindihan ang dalawa sa kita ng iligal na droga na nauwi sa pagpatay sa biktima. Hinahanap na ng pulisya ang sinasabing kasama ng biktima na nag-check-in sa lodging house. – FRJ, GMA News