Mga miyembro umano Akyat-bahay Gang sa Baguio City, huli; 1 sa 4 na suspek, menor de edad
Apat na lalaki – kabilang ang isang menor de edad – ang dinakip ng mga awtoridad sa alegasyon na kasapi ang mga ito ng isang grupo ng Akyat-bahay Gang na nag-ooperate sa Baguio City. Ayon kay Sr. Supt. Jesus Cambay, city police director ng Baguio City Police Office ( BCPO), ang mga suspek ay nahuli habang nagnanakaw sa isang malaking bahay sa Brgy. Dominican-Mirador kamakailan. Ang grupo ay naaktuhan umano ni Supt. James Logan, hepe ng Traffic Management Bureau ng BCPO, habang nagpapatrolya ito at makita ang ginagawang pag-aabutan ng mga gamit ang mga suspek sa pinasok na bahay. Matapos itimbre sa presinto ang nakita, rumesponde na ang iba pang pulis na nagresulta sa pagkakaaresto kina Menandro Valdez, 32-anyos, tubong Pangasinan; Romulo Maraya, 27, tubong Sagada, Mt. Province; at George Cambalisa, 30, tubong Ilocos Sur. Nakuha umano sa mga suspek ang mga ninakaw nitong gamit sa bahay pati na ang isang motorsiklo. Ayon kay Cambay, ipinagtapat ng isa sa mga suspek ang taktika ng grupo na babatuhin ang isang bahay at kapag walang nagbukas ng ilaw o lumabas na nakatira ay papasukin na nila ito. Ikinulong ang tatlo sa Baguio City Jail habang ang kasama nilang menor de edad ay inilagay naman sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development. – Thom Picana/FRJ, GMA News