ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

MGB: Pagbaha sa Kamaynilaan, posibleng lumala dahil sa pagkaubos ng ground water


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagbabala ang Mines and Geo-Sciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources na posibleng lumala pa ang pagbaha sa Metro Manila dahil sa walang tigil sa paggamit ng tinatawag na "ground water." Sa ulat ni Allan Gatus sa dzBB umaga nitong Biyernes, sinabi ni MGB Director Leo Jasareno na lubha ng naabuso ang paggamit ng ground water sa Kamaynilaan. Partikular na tinukoy ni Jasareno ang paggamit umano ng ground water ng mga malalaking kompaniya lalo na sa mga lugar ng Parañaque City,Las Pinas City, at pati na rin sa Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela (CAMANAVA) area. Ayon sa kanya, sa halip na gumamit ang mga malalaking kumpaniya ng tubig mula sa mga water utility, ground water umano ang ginagamit ng mga ito. Gamit ang mga malalaking tubo, hinihigop nila ang ground water para magamit sa kanilang mga operasyon, dagdag pa nito. Batay umano sa pag-aaral ng MGB at ng University of the Philippines National Institute of Geological and Science, bababa ang lupa kung mauubos ang ground water. Ito umano ang isa sa dahilan kung bakit tumitindi ang pagbaha sa Metro Manila, at hindi lamang ang malakas na ulan. — LBG, GMA News