Lalaking nakita sa CCTV video na nananakit ng kahera, kinasuhan na
Kinasuhan na sa piskalya si John Paul Encinas, ang lalaki na nakunan sa closed-circuit television (CCTV) camera na nananakit at nagpasubo ng pera sa isang kahera sa karinderya sa Maynila. Sa ulat ni Michael Fajatin sa Balitangtahali nitong Sabado, sinabing nakaposas nang dalhin sa Manila Police District nitong Biyernes si Encinas mula sa Manila City Hall. Si Encinas ay nahaharap sa mga kasong unjust vexation, slander by deed at slight physical injury dahil sa pananakit sa kaherang si Marjorie Reynaldo. Sinabi sa ulat na tumanggi na si Encinas na magbigay ng pahayag sa GMA News. Pero una na nitong sinabi na nag-init ang kanyang damdamin matapos siyang pagsalitaan ng masasakit ni Reynaldo nang singilin siya sa kanyang kinain. Subalit nanindigan si Reynaldo na hindi siya ang naunang nagsalita ng masama. Nagpasalamat naman ang kahera sa suporta na kanyang natatanggap kahit sa mga taong hindi niya kilala. Ang kaso laban kay Encinas ay naisampa matapos “sunduin" ng mga tauhan ni Manila Mayor Alfredo Lim sina Encinas at Reynaldo nang magharap sila sa barangay noong Huwebes. Bagaman may tatlong pagkakataon para magkaayos sa barangay, pinasampahan na ng kaso ni Lim si Encinas nang walang kasunduan na nabuo sa unang pagdinig pa lamang ng barangay. Sinabi ni Retired Police Col. Mar Reyes, Asst. Dept Head, Office of the Mayor, sapat na ang kuha sa CCTV sa ginawa ni Encinas at pagtanggi ni Reynaldo na makipag-areglo para maisampa ang kaso laban sa akusado. - FRJimenez, GMA News