ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaki sa Davao del Norte, pinaniniwalaang nilapa ng mga buwaya


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naniniwala ang pulisya na aksidente ang pagkamatay ng isang lalaki sa Davao del Norte na natagpuan sa loob ng breeding farm ng mga buwaya. Sa ulat ni LJ Lindaan ng GMA-Davao sa Balita Pilipinas Ngayon, lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na posibleng lasing ang biktimang si Salbelo Sonajo, 57-anyos, nang akyatin nito ang kulungan ng mga buwan sa Brgy. New Katipunan sa bayan ng Sto Tomas. Nakita nitong Linggo ng gabi ang lasug-lasog na katawan ni Sonajo sa kulungan na maaaring dulot daw ng ginawang paglapa ng mga buwaya. Ayon kay SPO2 Felipe Moquiala, nakatalaga sa Sto Tomas Police, nawawala ang ilang bahagi ng katawan ng biktima na posibleng kinain ng mga buwaya. May mababang bahagi umano ng pader ang kulungan ng mga buwaya na posibleng sinampahan ni Sonajo. Gayunman, hindi pa malinaw kung ano ang dahilan at napunta sa breeding farm ng biktima. Ngunit kung ang mga kamag-anak ng biktima ang tatanungin, naniniwala silang hindi aksidente ang pagkamatay ni Sonajo. May bali umano sa paa ang biktima at lasing kaya mahirap daw paniwalaan na aakyat pa ito sa pader. Tumanggi naman ang pamunuan ng farm na magbigay ng pahayag sa nangyaring insidente. - FRJ, GMA News