Pagpatay sa 4 sundalo sa Davao City, inako ng NPA
Kasabay ng pag-ako sa pagpatay sa apat na sundalo sa Davao City noong Linggo, iginiit ng New People's Army (NPA) na ginawa nila ang pananambang para ipaghiganti ang isang magsasaka na pinaslang umano ng militar. Sa ulat ni John Bautista ng GMA-Davao sa Balita Pilipinas Ngayon, sinabing nagpalabas ng pahayag ang 1st Pulang Bagani Company ng Merardo Arce Command ng Southern Mindanao, para akuin ang pagpatay sa apat na sundalo. Iginiit din ng mga rebelde na armado ang mga sundalo nang kanilang makaengkwentro. Taliwas ito sa naunang pahayag ng militar na naka-off duty at galing sa pamamalengke ang mga sundalo kaya walang dalang armas nang paslangin. Ayon sa pahayag ng NPA, nakakuha sila ng baril mula sa napaslang na mga sundalo at isang kasamahan nilang rebelde ang nasugatan sa engkwento. Pero ayon kay Lt. Col. Lyndon Paniza, spokeman ng 10th Infantry Div, hindi armado ang mga pinaslang na sundalo batay na rin sa naging pahayag ng mga sibilyang saksi. Handa umano ang militar na magkaroon ng indepedyanteng grupo na magsasagawa ng imbestigasyon para lumabas ang katotohanan sa nangyaring pananambang. Itinanggi rin ni Paniza na mayroon pinaslang na magsasaka ang mga sundalo noong nakaraang buwan sa Brgy. Malabog. Samantala, desidido naman ang pamilya ng mga nasawing sundalo na magsampa ng demanda laban sa mga kasapi ng NPA na nasa likod ng pananambang. - FRJ, GMA News