Ina sa Bataan, nanawagan ng tulong sa Kapuso Foundation para sa 3-anyos na anak na comatose
BALANGA City, Bataan- Sa isang bahay na larawan ng kahirapan, isang tatlong-taong-gulang na babae ang hindi na nagising simula pa noong ika-28 ng Oktubre matapos siyang dalhin sa apat na magkakaibang ospital. Salit-salitan ang mag-aanak sa pagbabantay sa paslit na si Vaneza May Corpuz, habang walang malay na nakahiga sa sahig ng kanilang munting tirahan sa sitio Ugong sa Brgy. Cataning sa Balanga City. “Nananawagan sana ako na tulungan ang aking anak na hanggang ngayon hindi pa gumigising," pagsumamo ng inang si Analyn Corpuz, 22-anyos. Karaniwang maybahay lamang si Analyn habang pa-extra-extra lamang bilang construction worker ang kanyang mister na si Crismar Corpuz, 26-anyos. Habang binabantayan ang anak, panay ang pisil ni Analyn sa palad ng anak sa pag-asang muli itong gigising mula sa mahimbing pagkakatulog. Tanging isang maliit na hose na nakakabit sa ilong ng bata ang nagsisilbing daanan ng pagkain ng bata, na panganay sa dalawang anak ng mag-asawa. Nagsimula umano ang problema ng bata nang idaing nito na masakit ang kanyang likod matapos madulas habang naliligo sa kalapit na de-bombang poso noong Oktubre 15. Sakabila nito, masaya naman daw itong naglaro at nakapasok pa sa daycare center sa sumunod na limang araw. Pagsapit ng Oktubre 21, nagsusuka raw ang bata at ngumiwi ang kaliwang panga kaya ipinatawas ng ina. Matapos nito ay naglaro muli maghapon ang bata at natulog. Ngunit kinabukasan, muling sinumpong ang bata at nagdesisyon na silang dalhin ito sa Bataan General Hospital. Sa CT scan ng isang ospital noong Oktubre 24, lumitaw na – no evidence of acute hemorrhage – tuberculosis meningitis. “Sabi sa Gordon’s (hospital) noong Oktubre 29, bibigay anak namin pag-uwi 24 oras pero hanggang ngayon lumalaban pa siya," sabi ng ina. Dinala na rin ang bata sa James Gordon Memorial Hospital sa Olongapo City, sa San Lazaro Hospital sa Maynila at sa Bataan doctors’ Hospital sa Balanga City sa pamamagitan na rin ng mga tulong. “Sabi wala nang pag-asa anak namin kaya iniuwi na namin sa bahay," malungkot na pahayag ni Analyn. Umaasa ang ginang na makakatatanggap sila ng tulong para sa kanilang anak at mabibigyan din ng pansin ng Kapuso Foundation para madugtungan pa ang buhay nito. -- Ernie Esconde/FRJ, GMA News