ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dalagita na gagahasain ng tricycle driver sa Davao City, nailigtas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hubad na umano ang biktima at suspek nang abutan ng mga taong nagsalba sa puri ng dalagitang nais angkinin ng isang lasing na tricycle driver sa Davao City. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon nitong Sabado, sinabing sumakay ang menor de edad na biktima sa tricycle na ipinapasada ng suspek na si Reynaldo Nalzaro sa Toril District, Davao City. Nang mapansin ng biktima na umiiba ang direksiyon ng tricycle sa lugar na kanyang pupuntahan, tinawag niya ang pansin ni Nalzaro pero hindi umano ito nakinig at sa halip dinala siya patungo sa tambakan. Nagsisigaw umano ang biktima na mabuting narinig naman ng ilang kalalakihan na sumaklolo sa kanya. Kuwento ni Ferdinand Itchiron, isa sa mga sumaklolo sa biktima, inabutan nila sa damuhan na kapwa wala ng saplot sa katawan ang dalawa. Idinagdag naman ng isa pang saksi na tiyak na nahalay ang biktima kung naatraso pa ang kanilang pagdating. Sugatan, duguan at may pasa sa katawan ang suspek nang datnan ng mga rumesponding pulis. Sa himpilan ng pulisya, lumuluhang ikinuwento muli ng biktima ang ginawa sa kanya ng suspek. Hindi naman itinanggi ni Nalzaro ang gagawing panghahalay sa dalagita. Lasing umano siya at hindi niya alam kung ano ang pumasok sa utak niya at naisipang pagsamantalahan ang pasahero. - FRJ, GMA News

Tags: davaorape, rape, davao