ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

15 probinsiya tinaguriang ‘high risk’ sa darating ng eleksyon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Binabantayan na ng mga awtoridad ang aabot sa 15 probinsya sa bansa na tinaguriang "high risk areas" sa darating na eleksyon. "Itong 15 probinsyang ito ayon sa datos ng nakaraan na hawak ng DILG (Department of Interior and local Government) at PNP (Philippine National Police), dito yung pinaka-high risk na magkaroon ng karahasan sa darating na halalan kaya ito ang pina-prioritize ng probinsya," ayon kay Interior Secretary Mar Roxas sa isang press conference noong Biyernes. Paliwanag ni Roxas, tinaguriang high risk ang naturang mga probinsya sapagkat tuwing eleksyon maraming karahasan ang naitatala sa mga lugar na ito. Dagdag pa niya, marami umano sa mga probinsyang ito ang may mga private army, alitan ng mga tumatakbong pamilya, mga militanteng grupo, mga gang, at iba’t ibang uri ng crime group. "Usually generational ito [feuds], nagkapatayan na. Sobrang intense at bawat halalan ay pagkakataon para masariwa ang giyera sa pagitan ng mga ito. Yung crime groups and gangs, nagiging gun-for-hire sila. Nagpapa-tap sila sa pulitiko na ganid at kapit-tuko sa pwesto kaya karahasan ang ginagamit para manatili sa poder," ani Roxas. Ang mga tinaguriang "high risk" na probinsya ay:

•   Abra •   Pangasinan •   Ilocos Sur •   La Union •   Cagayan •   Pampanga •   Nueva Ecija •   Batangas •   Cavite •   Masbate •   Samar •   Misamis Occidental •   Maguindano •   Lanao del Sur •   Basilan
Dadgdag pa ni Roxas, nasa 60 na aktibong private army groups sa iba’t ibang parte ng bansa ang binabantayan ng pulisya. May 37 grupo pa umanong minamanmanan ng gobyerno. Samantala, sinigurado naman ni Roxas na hindi lamang ang mga nabanggit na probinsya ang babantayan nila sa darating na eleksyon. “There may be some provinces where one congressional district [is] an area of concern but not the entire province. Inuna natin ang places na may high risk. Hindi naman ibig sabihin kinalimutan na ang iba. Pinriority lang," saad nito. "Gusto talaga nating maiwasan na maulit ang Maguindanao masaker kaya ngayon pa lang inuunahan na natin para hindi kami maging left behind, hindi behind the curve," paliwanag pa niya. Intinuturing na pinakamadugong karahasang may kaugnayan sa eleksyon, 58 katao – kasama ang 32 mamahayag – ang namatay sa Maguindanao masaker noong Nobyembre 23, 2009. Maghahain sana ng certificate of candidacy para kay nooy Buluan vice mayor Esmael Mangudadatu ang karamihan sa mga mga biktima nang tambangan sila at pagbabarilin sa isang liblib na lugar sa Ampatuan, Maguindanao. Diin pa ni Roxas, sinimulan na diumano ng PNP ang kanilang mga operasyon sa 15 probinsya upang maiwasan ang karahasan sa darating na eleksyon 2013. Dagdag na task force Ayon naman kay PNP deputy director general Alan Purisima, na siyang inaasahang susunod na PNP chief, gagawa sila ng iba’t ibang task forces bilang paghahanda sa eleksyon. Kasama na rito ang task force para sa legal offensive, firearms and security, logistics, at finance. "There will [also] be regional task forces that will be implementing the operation plan in each region," aniya. Dagdag naman ni Roxas: "There will be intensified operations. Ngayon pa lang magkakaroon na ng checkpoint, operation sita, operation bakal.” Pagkalap sa mga armas Kasama diumano sa paghahanda para sa eleksyon 2013 ay ang pagkalap sa mga illegal na armas o loose firearms. "There are estimated 35 thousand loose firearms in the country. There is [also] about 552, 338 firearms whose license has not been renewed. So technically illegal na ito," ani Roxas "Pupuntahan [namin] ang address ng bawat isa dito, kung kasama sa 15 probinsya. Kakatukin ng pulis, ipapa-deposito ang firearms habang nagpapa-renew ng lisensya para hindi imaging illegal ito, malaki ang parusa sa illegal possession of firearms," dagdag pa niya. Samantala, balalasahin umano ang mga bodyguards na nakatoka sa mga opisyal ng gobyerno at lilimitahan sa dalawa lamang kada isang pulitiko. "Ang mga protective agents, meron silang uniporme na gagamitin. Ito po ay mag-uumpisa sa aming pakikipag-usap sa kalihim. December 10 mag-uumpisa ang paggamit ng uniporme ng protective agents at PNP. Hindi na natin i-a-allow ang mga naka-barong. Para ito sa mga nagparehistrong kandidato starting December 10," paliwanag ni PNP chief Nicanor Bartolome. Ayon kay Bartolome, magtatatag din umano ng joint security desk ang PNP at Armed forces of the Philippines bilang paghahanda sa eleksyon. Magkakaroon din umano ng 24/7 media center na magpapakalat ng mahahalagang impormasyon sa publiko. Sa lahat ng mga preparasyong ito, naniniwala si Roxas na magkakaroon ng ligtas at mapayapang eleksyon sa susunod na taon. "Iba ang halalan sa ilalim ni PNoy. Ito ay magiging ligtas, fair, orderly at kung ano ang tinig ng sambayan, siya ang lalabas. Hindi magpapagamit ang pulis at DILG para sa isang panig o kaninuman. Wala po kaming sasantuhin, hindi ito sa partido at kung anong  tsaleko ang suot. Gagawing tama para maging ligtas ang magiging halalan," aniya. — Rouchelle R. Dinglasan /LBG, GMA News