ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

21-anyos na kuya, napatay sa saksak ng 17-anyos na kapatid


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dahil sa pagmamalasakit, isang 21-anyos na kuya ang nasawi matapos siyang saksakin ng nakababatang kapatid na pinagbawalan niyang lumabas ng bahay sa dis-oras ng gabi sa Pangasinan. Sa ulat ni CJ Torrida ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Lunes, sinabing nasa kostudiya na ng Department of Social Welfare and Development ang 17-anyos na suspek. Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagtalo ang magkapatid sa loob ng kanilang bahay sa Bautista, Pangasinan. Nag-ugat umano ang pagtatalo nang pagbawalan ng biktima na lumabas ng bahay ang suspek kasama ang mga kabarkada nito dahil dis-oras na ng gabi. Sa init ng pagtatalo, kumuha umano ng patalim ang suspek at sinaksak sa kaliwang dibdib ang kanyang kuya. Isinugod sa ospital ang biktima pero binaliwaan din ng buhay habang nilalapatan ng lunas. Tulala umano at hindi makausap ang suspek matapos ang insidente. Wala naman umanong plano ang mga magulang ng magkapatid na magsampa pa ng kaso. - FRJ, GMA News