ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

53 pulitiko, nasa listahan ng PDEA; Suarez, dismayadong isinama si ex-Rep. Singson


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Limanpu’t tatlong pangalan umano ng mga pulitiko ang nasa listahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na sangkot sa aktibidad ng illegal drugs sa bansa. Pinakamarami dito, mga kagawad ng barangay. Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Miyerkules, sinabi ni House Minority Leader Rep. Danilo Suarez (Quezon), na dismayado siya sa listahan na ibinigay sa kanya ni PDEA Director General Arturo Cacdac Jr. Bukod sa luma na umano ang listahan, ipinagtaka niya kung bakit isinama ang pangalan ni dating Ilocos Sur Rep. Ronald Singson, na nakulong noon sa Hong Kong matapos mahuli sa airport na may dalang ilang gramo ng cocaine at dalawang tabletas ng diazepam o Valium. Nakulong ng 18-buwan si Singson sa Hong Kong at nakalaya noong Enero 2012. “I am not satisfied by the list, mga lumang names na ito na alam na ng publiko at napakaliliit lang," aniya. Hindi umano dapat na isinama si Singson sa listahan dahil bukod sa napagdusahan na nito ang kaso, ang kinaharap nitong asunto ay paggamit umano ng iligal na droga. “That’s why I object to General Cacdac , why do you have to include the name of a former colleague whose case had been already settled, tapos na. Iyung case naman ng aming kasamahan ang allegation personal consumption eh," paggiit ni Suarez. Hiningi ng lider ng minorya sa Kamara ang listahan ng mga pulitikong sangkot sa iligal na droga o tinatawag na “narcopolitics" sa pangambang magiging aktibo na naman ang mga ito ngayon panahon ng eleksiyon. Isang resolusyon din ang inihain ng mambabatas upang hilingin sa kapulungan na magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa nasabing usapin. Posible umanong alukin ang ilang kandidato ng pondo ng mga sangkot sa iligal na droga kapalit ng proteksiyon kapag nanalo ang mga ito. Ayon kay Suarez, hindi dapat isinama sa listahan si Singson dahil user ito at hindi pusher batay na rin sa bigat ng parusang ibinigay sa mga taong nasasangkot na iligal na droga. Sa 53 pangalan na isinumite umano ni Cacdac, sinabi ni Suarez na kinabibilangan ito ng isang dating kongresista, dalawang municipal mayor, isang city councilor, dalawang municipal councilor, isang vice mayor, isang dating alkalde, isang dating mayoralty candidate, isang kandidato bilang provincial board member, 13 kapitan ng barangay, at 30 kagawad ng barangay. Sa Cacdac ay itinalaga ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III bilang pinuno ng PDEA noon lamang nakaraang Oktubre kapalit ng nagbitiw na si Jose S. Gutierrez Jr. - RP/FRJ, GMA News