Nangopya rin umano: Ethics complaint, isinampa laban kay Sen Pia Cayetano
Matapos si Senate Majority Floor Leader Vicente Sotto III, si Senador Pia Cayetano naman ang inireklamo ng pangongopya sa Senate ethics committee, na pinamumunuan ng kanyang kapatid na si Sen. Alan Peter Cayetano. Inihain nitong Miyerkules ng isang Alberto Loquez Ong Jr., ang reklamo laban kay Pia dahil sa umano’y pangungopya ng talata mula sa ibang tao at ginamit na bahagi ng kanyang talumpati. Ayon kay Ong, may dalawang pagkakataon na inabuso ni Pia at hindi ginamit sa tamang paraan ang kaalaman sa batas, “when she deliberately delivered speeches without proper attribution from the author of the work." "It is respectfully prayed of this honorable Senate committee on ethics and privileges to declare Senator Pia Cayetano as unfit and unbecoming of national public official for having violated the Intellectual Property Code and exhibiting improper conduct for arrogance and abuse of her law profession. Other reliefs just and equitable are equally prayed for," paliwanag sa reklamo. "As a senator and lawyer, Sen. Pia Cayetano should not initiate the act of violating any of the existing Philippine laws. She is commanded by her obligation to the citizens of the Philippines to obey the Constitution and laws, and not to use her lawyering profession and public position to be above the law," patuloy niya sa ginawang paglabag umano ng senadora sa Intellectual Property Code. Ang tinutukoy ni Ong ay ang naunang alegasyon ng isang blogger na nagngangalang Elisa Sangalang na kinopya umano ng senador ang bahagi ng talumpati nito sa “The Status of the Philippines in Achieving the Millennium Development Goals" at privilege speech sa World Environment Day. (Basahin: Blogger says Sen. Pia Cayetano also plagiarized speeches) "Senator Pia Cayetano has shown conduct which is improper and inconsistent with her duty as both a lawyer and an elected, national public official," ayon kay Ong. "Those who violate the laws must be treated the same for no one is above the law, and being a lawmaker should not be abused," patuloy nito. Ayon naman kay (Pia) Cayetano, maglalabas siya ng pahayag tungkol sa reklamo. Sa ulat naman ng SONA ng GMA News TV 11 nitong Miyerkules ng gabi, sinabing pinabulaanan ng senadora ang alegasyon. Iginiit nito na tinutukoy niya ang mga taong pinagkukunan niya ng bahagi ng kanyang talumpati at naglalagay din ng “footnotes" na makikita sa kanyang website. Noong nakaraang linggo, inireklamo rin sa ethics committee si Sotto dahil sa umano’y paggamit ng ilang bahagi sa kanyang talumpati nang hindi binibigyan pagkilala ang mga taong pinagkopyahan nito ng talata. Sa mga naunang panayam, iginiit ni Sotto na hindi niya inangkin ang mga talata na nanggaling sa ibang tao na nagamit niya sa talumpati. Si (Pia) Cayetano ang nagsusulong sa kontrobersiyal na reproductive health (RH) bill, samantalang masugid na tumututol naman sa naturang panukalang batas si Sotto. Nitong Miyerkules, sinabi naman ni (Alan Peter) Cayetano na magkakaroon ng pagdinig ang ethics committee sa Huwebes para talakayin ang mga patakaran na gagamitin sa gagawing pagdinig sa mga reklamo. “I'm expecting the members to ratify the rules. After the ratification of the rules, we can officially calendar all pending cases," pahayag ng senador. - FRJimenez, GMA News