ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pulisya, Simbahan, naalarma sa sunod-sunod na pagtatapon ng fetus sa Iloilo City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naalarma na ang pulisya at Simbahang Katoliko sa sunod-sunod na insidente ng pagtatapon ng patay na sanggol sa Iloilo City. Sa ulat ni Jennifer Muneza ng GMA-Iloilo sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing tatlong fetus ang nakita sa lungsod sa loob lamang ng isang linggo. Dalawa sa mga sanggol ang nakita sa Calajunan dumpsite, habang ang isa ay itinapon sa basurahan sa isang supermarket. Sa kabuuan, umabot na umano sa 51 fetus ang nakita sa tambakan ng basura sa Calajunan. Ayon kay Police Senior Supt. Marieto Valerio, director ng Iloilo City Police, pinakilos na niya ang kanyang mga tauhan para alamin at hulihin kung mayroon mang abortionist na nag-ooperate sa lungsod. Aminado ang opisyal na hindi ordinaryong krimen ang abortion na kailangan umanong tutukan. Iniugnay naman ni Fr. Esperidion Celes ng St Anne Parish, sa usapin ng reproductive health (RH) bill ang dumaraming kaso ng pagtatapon ng patay na sanggol sa lungsod. Aniya, ito ay bunga umano ng tinatawag na “contraceptive mentality" na nakapaloob sa RH bill sa pamamagitan ng pag-engganyo na gumamit ng contraceptive para hindi mabuntis. Ngunit dahil hindi umano epektibo ang contraceptive, dumarami ang nabubuntis na nauuwi sa pagpapalaglag. Ito raw ang isa sa mga dahilan kaya tinututulan ng Simbahan ang RH bill na nakabinbin pa rin at pinagdedebatihan ng mga mambabatas sa Kongreso. - FRJ, GMA News