ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kita ng pampasaherong bus, tinangay ng mga holdaper sa Pangasinan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tatlong lalaki na nangholdap ng isang pampasaherong mini-bus sa Bugallon, Pangasinan ang tinutugis na ngayon ng mga pulis. Sa ulat ni GMA-Dagupan Jett Arcellana sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing natangay ng mga holdaper ang P4,000 kita ng bus at isang bag ng pasahero na may lamang P5,000 cash at digital camera. Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing sumakay sa bus nitong Lunes ng gabi na biyaheng Pangasinan-Tarlac ang mga suspek at kaagad na nagdeklara ng holdup. Nang makuha ang pera na kinita ng bus, bumaba ang mga ito sa isang madilim na lugar kung saan may naghihintay na tricycle. Hinala ng mga awtoridad, planado ang pagholdap ng mga suspek dahil imposible umanong maghintay ang isang tricycle sa isang madilim na bahagi ng highway at wala namang maisasakay na pasahero. - FRJ, GMA News