Suspek sa pang-aabuso sa isang babae, nakilala sa naiwang ID
Isang lalaking suspek sa panggagahasa at pananaksak sa isang babae ang tinutugis ngayon ng mga awtoridad sa Davao City. Nakilala ang suspek dahil sa naiwan umano nitong mga gamit sa pagmamadaling makatakas. Sa ulat ni GMA-Davao Marlon Palma Gil sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, ikinuwento ng 31-anyos na biktima na isang lalaki ang nagpasakay sa kanya sa motorsiklo sa pangakong ihahatid siya sa kanyang bahay. Ngunit dinala umano siya sa isang itinatayong gusali at pinagbantaang papatayin kung hindi susunod sa kagustuhan nitong pakikipagtalik. Nang sakalin siya ng suspek, sinabi ng biktima ng nakuha niya ang patalim na lagi niyang dala at nasaksak ang suspek. Pero gumanti umano ang suspek na armado rin ng patalim at sinaksak ang biktima. Mapalad naman ang biktima na may nakarinig na mga residente sa lugar sa kanyang pagsisigaw at rumesponde. Gayunpaman, wala na ang suspek nang dumating ang mga sumaklolo ngayon naiwan nito ang ilang gamit gaya ng pantalon, sapatos at wallet na may lamang identification card. Ayon sa biktima, ang larawan sa ID ang taong sumaksak at gumahasa umano sa kanya. Patuloy ang paghahanap ng mga pulis sa suspek, habang nagpapagaling na ang babae sa tinamong saksak. - FRJ, GMA News