ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Tulong, hiniling para sa mga biktima ng bagyong 'Pablo' sa Davao


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patuloy na nanawagan ng tulong ang Diocese ng Tagum sa mga pamilyang matinding sinalanta ng bagyong "Pablo" sa lalawigan ng Davao Oriental. Sa panayam ng Radio Veritas, inihayag ni Fr. Emerson Luego, namamahala sa Operation Tabang ng Diocese ng Tagum, na batay sa natanggap nilang datos ay aabot sa 87,000 pamilya na nasasakupan ng kanilang diocese ang naapektuhan ng bagyo. Partikular sa mga lugar na matinding nasalanta sa Davao Oriental ay ang New Bataan at Compostella Valley. Marami pa umanong barangay ang hindi napupuntahan dahil sa mga nasirang kalsada at tulay. Sa dami ng apektado, sinabi ni Luego na hindi nakasasapat ang tulong na ipinagkakaloob ng gobyerno at pribadong sektor. Ang kanilang Operation Tabang ay nasa 8,000 na pamilya pa lamang umano ang natutulungan. Gayunman, sinimulan na rin umano ng diocese ang pagtulong sa pagtatayo ng pansamantalang masisilungan ng mga biktima ng bagyo. “Sa ating Simbahan, bumili kami ng mga trapal na pansamantalang magagamit ng mga kababayan natin na sinalanta ng bagyo.Kawawa talaga sila, walang tirahan at nagtitiis sa kakarampot na relief goods," kwento ni Fr. Luego kasabay ng muling panawagan na tulungan ang kanilang mga kababayan. Kasabay nito, nagpasalamat din siya sa mga nagbigay na ng tulong at umaasang marami pa ang darating. Pangunahing kailangan pa rin umano ng mga biktima ng bagyo ang pagkain, inuming tubig, gamot at pansamantalang tirahan. - MP/FRJ, GMA News