3 suspek na sangkot umano sa kakaibang panloloko, nadakip sa Pangasinan
Tatlo katao, kabilang ang isang nakatatandang babae, ang dinakip sa Pangasinan, matapos umanong manloko para makuha ang pera ng isa ring nakatatandang babae. Sa ulat ni Ronald Umangay ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing natangay ng mga suspek ang tinatayang P80,000 pera ng biktimang si Remegia Cacatian. Kwento ni Cacatian, namamalengke siya sa Umingan, Pangasinan nitong Miyerkules nang lapitan siya ng mga suspek. Inalok umano siya ng matandang babaeng suspek na bibigyan ng P20,000 at dodoblehin pa ang perang madadala niya sa grupo. Dahil na rin sa pagsali sa usapan ng iba pang suspek, nainganyo ang biktima sa alok at kumuha ng pera at mga alahas sa bahay para maibigay sa grupo. Nang makuha ng mga suspek ang pera at alahas na nasa P80,000 ang halaga, nagkunwari ang mga suspek na aalis sandali pero nag-iwan ng bag sa biktima na may laman umanong pera na kanilang babalikan. Ngunit nang hindi na bumalik ang mga suspek, nanlumo si Cacatian dahil nang buksan ang iniwan sa kanyang bag ay puro papel lang umano ang laman. Nagawa namang natunton ng mga pulis ang pinagtataguan ng mga suspek dahil nakuha ng anak ng biktima ang plaka ng sasakyan na ginamit ng grupo. Nabawi sa mga suspek ang pera at alahas ng biktima na nagawa nang pinaghati-hatian ng grupo. -- FRJ, GMA News