ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pangasinan gov, inakusahan ng isang alkalde na sangkot sa jueteng


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inireklamo sa Office of the Ombudsman ng isang alkalde sa Pangasinan ang kanilang gobernador na si Amado Espino Jr., na tumatanggap umano ng payola mula sa operasyon ng iligal na sugal na jueteng. Sa reklamong inihain ni Bugallon Mayor Rodrigo Orduña, sinabi nito na aabot sa P800 milyon ang kinikita ni Espino bawat taon mula sa jueteng. Sa isang ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Biyernes, pinabulaanan ni Espino ang mga naturang paratang at handa umanong harapin ang kaso. Matapos ang pagsasampa ng reklamo sa Ombudsman, isang press conference ang isinagawa sa Camp Crame kung saan dumalo rin sina Interior Secretary Mar Roxas, at outgoing Philippine National Police Chief Nicanor Bartolome. Sa naturang pulong balitaan, sinabi ni Orduña na siya mismo ang nagdadala kay Espino ng P2.5 milyong jueteng payola tuwing Sabado. Dagdag pa ng alkalde, pinamahalaan umano ni Espino ang operasyon ng jueteng sa lalawigan mula nang maging gobernor ito noong 2007. Aminado naman si Orduña na sangkot din siya sa operasyon ng jueteng pero nagdesisyon siyang lumantad dahil pakiramdam niya ay ginagamit na lamang siya ni Espino. Pulitika lang? Sa panayam ni Jasmine Gabriel ng GMA Dagupan nitong Biyernes, iginiit ni Espino na wala siyang natatanggap mula sa iligal na sugal. Nakahanda umano siyang harapin ang kasong isinampa sa kanya sa Ombudsman. Hinala ni Espino, may kinalaman sa susunod na halalan ang pagdadawit sa kanya sa jueteng dahil muli siyang kakandidatong gobernador ng lalawigan. Itinanggi naman ito ni Orduña at iginiit na “nagkataon lang" na may papalapit na halalan nang gawin ang pagsisiwalat laban kay Espino. Makakalaban ni Espino, kasapi ng National People's Coalition, sa pagka-gobernador sa 2013 elections ang kalukuyang alkalde ng Alaminos na si Nani Braganza, na kapartido naman ni Roxas sa Liberal Party. Ngunit nilinaw ni Roxas na hindi mahahaluan ng pulitika ang gagawing imbestigasyon ng DILG tungkol sa operasyon ng jueteng sa Pangasinan. Ngayon din lang umano niya nakilala si Orduña. “We will connect facts and figures para malaman kung sino ang dapat managot," ani Roxas. “Either mapapatunayan or mapapabulaan lang 'yan." -- FRJ, GMA News