Palasyo, VP Binay, binati si Donaire sa kanyang panalo vs Arce
Binati ng Malacañang nitong Linggo si Nonito "The Filipino Flash" Donaire Jr. sa kanyang pagkapanalo laban kay Jorge "Travieso" Arce nitong Linggo (Sabado sa US) sa Toyota Center sa Houston, Texas. Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, nangyari ang malaking panalo ni Donaire matapos ang pagkatalo ni "pambansang kamao" at Sarangani Rep. Emmanuel "Manny" Pacquiao sa laban nito kay Juan Manuel Marquez noong nakaraang linggo. “It’s a welcome victory not just for Filipino sports fans but for all Filipinos,” ani Valte sa panayam sa dzRB. Dagdag niya, nakatulong din ang tagumpay ni Donaire sa gitna ng nakapanglulumong pagkatalo ng Philippine "Azkals" football team sa Suzuki Cup. Maliban nito, patuloy pa ring inaahon ng mga Pilipino ang sarili mula sa pinsalang dulot ng bagyong Pablo (Bopha), kung saan mahigit 1000 katao na ang naitalang namatay. “At least sana mapasaya ng panalong ito ang ating mga kababayang nagkaroon ng low morale," aniya. Samantala, binati na rin ni Vice President Jejomar Binay si Donaire para sa kanyang pagkapanalo. “Nonito displayed admirable skill, discipline, strength and courage. He will bring pride to us for many years to come,” ayon sa kanyang tagapagsalita na si Joey Salgado. Nitong Linggo, napatumba ni Donaire sa ikatlong round si Arce sa kanilang WBO World Super Bantamweight bout. Gamit ang kanyang kaliwang kamao, napabagsak ni Donaire ang kalaban sa ikatlong round. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News