Barge na may kargang tone-toneladang arnibal, tumaob sa karagatan ng Iloilo
Dahil sa biglang paglakas ng alon, isang barge na may kargang tone-toneladang arnibal ang tumaob sa karagatan ng Concepcion, Iloilo. Sa ulat ni Jayson Gregorio ng GMA-Iloilo sa Balita Pilipinas Ngayon, sinabing naglalayag ang dalawang barge habang hinahatak ng MT Robina I mula sa lungsod ng Bais at patungong Batangas nang biglang lumakas ang hangin at alon. Dahil sa lakas ng alon, tumaob ang isang barge na may kargang 1,500 metriko toneladang arnibal. Upang makaiwas sa peligro ang crew ng barko, iniwan na nila ang tumaob na barge at dinala sa ligtas na lugar ang isa pang barge. Sinisikap naman ng Philippine Coast Guard na maialis sa lugar ang barge na nagkakaroon na ng kaunting pagtagas ng arnibal. Nilinaw din ng PCG na hindi mapanganib sa dagat ang tumagas na arnibal bagaman maaaring mahilo ang mga isda sa lugar dahil sa matamis ito. -- FRJ, GMA News