ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

32 buwan na bihag: Pagpapauwi sa Pinoy seaman na binihag ng Somali pirates, inihahanda na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inaasikaso na ang pagpapauwi sa tripulanteng Pilipino na nailigtas mula sa halos tatlong taong pagkakabihag ng Somali pirates. Hindi pinangalanan ni Department of Foreign Affairs (DFA) spokesman Raul Hernandez ang seaman ngunit sinabing 32 buwan umano itong bihag ng mga pirata. "A Filipino seaman on board MV Iceberg I was rescued from Somali pirates after 32 months in captivity. His repatriation is now being arranged," nakasaad sa post ni Hernandez sa kanyang Twitter account. Gayunpaman, wala pang inilabas si Hernandez tungkol sa mga detalye sa pagpapauwi sa bansa ng Pinoy seaman. Sa naunang ulat ng Reuters, napag-alaman na kasama ang Pinoy sa 22 tripulante na nailigtas ng maritime police mula sa kamay ng mga pirata. Ang pagbihag sa mga tauhan ng Panama-flagged MV Iceberg 1 ang maituturing pinakamatagal na paghostage ng Somali pirates. Maliban sa Pilipino, mayroon ding mga Indian, Yemeni, Sudanese, Ghanaian at Pakistani seafarers na nakasakay sa naturang barko. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News